HIGIT P26-M TULONG PANGKABUHAYAN, IPINAGKALOOB SA MGA PAMILYANG LUBOS NA NAAPEKTUHAN NG PANDEMYA

Cauayan City, Isabela- Umaabot sa P26,244,000 na kabuuang halaga ng livelihood assistance ang ipinagkaloob sa 1,999 katao mula sa mga Lalawigan ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya mula sa Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD FO2) sa pamamagitan ng kanilang programang Sustainable Livelihood Program (SLP).

Tumanggap ng hanggang tig-P15,000 halaga ang bawat benepisyaryo na magsisilbi nilang seed capital.

Ito ay isa sa mga programa ng gobyerno para sa rehabilitasyon at muling pagbangon mula sa pagkalugi ng mga negosyong lubos na naapektuhan ng covid-19 pandemic.

Ayon kay Zenaida Taberna, residente ng barangay Baluarte, Santiago City at isa sa mga nabigyan ng tulong pinansyal, ibinahagi nito nang kanyang pinagdaanan noong kasagsagan ng pandemya kung saan lumiit ang kanyang benta dahil halos wala nang bumibili sa kanyang mga paninda.

Nangako ito na ang kanyang natanggap na halaga ay gagamitin nitong pandagdag na puhunan para sa pagbebenta ng ulam at sa kanyang negosyong pananahi.

Hiniling naman ni Santiago City Mayor Alyssa Sheena Tan sa mga benepisyaryo na gamitin nila sa tama ang kanilang natanggap na tulong pangkabuhayan, magkaroon ng determinasyon at magsilbing inspirasyon sa kapwa.

Facebook Comments