Cauayan City,Isabela- Umabot sa mahigit P29 milyon ang inisyal na halaga ng ari-arian na nasira dahil sa bagyong Kiko sa Calayan,Cagayan.
Ito ang lumabas sa isinagawang assessment ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Calayan.
Una rito, nagsagawa ng aerial visit sa isla ng Calayan si Provincial Administrator Col. Darwin Sacramed na siya ring head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Kasama rin na nag-ikot ang pinuno ng Office of the Civil Defense (OCD) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 upang personal na tingnan ang isla na isa sa matinding hinagupit ng kalamidad.
Bukas, nakatakdang ibiyahe ang mga relief goods na ipapamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo gamit ang barko mula sa bayan ng Aparri.
Una na ring namigay ng tulong pinansyal ang DSWD sa mga labis na naapektuhang residente kung saan nasa 20 pamilya ang binigyan ng tig-P5, 000.