Nasa P395 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nakatakdang sirain ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Zamboanga.
Gaganapin ito sa Pavillion, Dao sa Pagadian City sa isa sa mga Customs-rented warehouse sa Brgy. Baliwasan sa Zamboanga City.
Bukod sa nga tauhan ng BOC, makakasama nila sa gagawing aktidibidad ang ilang representative mula Commission on Audit, Local Government Unit, stakeholders, partner agencies, at iba pang operating units ng pamahalaan.
Nasa 11,219 master cases ng smuggled na sigarilyo ang sisirain ng BOC na kanilang nasabat sa magkakahiwalay na anti-smuggling operations sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi mula noong buwan ng May hanggang November 2022.
Ayon kay District Collector Segundo Sigmundfreud Barte Jr., ito na ang ikalawang beses ng condemnation activity sa Port of Zamboanga matapos nilang unang sirain ang nasa P110 milyun na halaga ng smuggled na sigarilyo.
Nabatid na katuwang ng BOC sa mga tagumpay na operasyon ang Task Force for Anti-Smuggling sa ZAMBASULTA na kinabibilangan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard, Philippine National Police, (PNP) Philippine Marines, Philippine Navy, National Bureau of Investigation (NBI), Joint Task Force Zamboanga, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Internal Revenue (BIR) at mga local government unit.
Napag-alaman na ang Port of Zamboanga ay nakapagtala ng P500 milyun halaga ng nakumpiskang mga sigarilyo mula ng ipag-utos ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa ilalim ng direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr. na palakasin pa ang kampaniya kontra smuggling.
Ang mga nakumpiskang sigarilyo ay ilulubog sa tubig saka sisirain sa pamamagitan ng payloader.