Higit P5-M Halaga ng Ayuda, Naipamahagi sa mga Sumukong Rebelde sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa mahigit P5 milyong halaga ng ayuda ang ipinamahagi sa mga dating rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan sa bayan ng San Mariano sa Lalawigan ng Isabela.

Masayang tinanggap ng 77 na mga dating rebelde ang tulong sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan sa isinagawang pamamahagi kahapon, Marso 17, 2021 sa kampo ng 95th Infantry ‘Salaknib’ Battalion.

Pinangunahan ni Director Jonathan Paul Leusen Jr ng Department of Interior and Local Government (DILG) Region 02 ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng 95th at 86th Infantry Battalion at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.


Mula sa bilang ng nabigyang dating rebelde, 39 dito ay mga dating regular na miyembro ng rebeldeng grupo habang 38 naman ang mga dating miyembro ng Milisya ng Bayan (MB).

Sinabi ni Director Leusen na ang suportang ibinigay sa mga formers rebels ng pamahalaan sa pamamagitan ng E-CLIP ay kanilang magagamit upang makapagsimulang muli at magkaroon ng panimulang pangkabuhayan.

Ito’y isang paraan din aniya upang masugpo ang matagal ng problema sa insurhensiya.

Ayon naman sa pahayag ni BGen. Danilo D Benavides PA, Brigade Commander ng 502nd Infantry Brigade, sinabi nito sa mga E-CLIP beneficiaries na ang kanilang natanggap na mga tulong mula sa pamahalaan ay patunay na tama ang kanilang naging desisyon na magbalik-loob sa gobyerno.

Nanawagan naman si MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa mga natitira pang mga miyembro ng rebeldeng CPP-NPA na kumalas na sa kilusan at sumuko sa pamahalaan.

Facebook Comments