
Anim na katao ang naaresto at nasa kabuuang ₱123,448 ang halaga ng hinihinalang shabu na nasamsam sa serye ng operasyon ng pulisya sa iba’t ibang bayan sa Pangasinan nitong Disyembre 10.
Sa Urdaneta City, unang naaresto ang 55-anyos na si alyas “Napy” matapos ang implementasyon ng search warrant ng Urdaneta CPS kasama ang PDEA-RO1.
Nasabat mula sa suspek ang 4.31 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱29,308, kasama ang iba pang drug paraphernalia.
Sa Mangatarem, nadakip naman ang 50-anyos na rice classifier sa isang buy-bust operation ng Mangatarem MPS kung saan nakumpiska ang 0.7 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang ₱4,760 ang halaga.
Narekober din ang isang ₱500 marked money at motorsiklong ginamit sa transaksyon.
Sa Dagupan City, dalawang suspek, isang 47-anyos na construction worker at isang babae, ang nahuli sa ikinasang buy-bust operation.
Umaabot sa 6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱40,800 ang nasamsam, kasama ang marked at boodle money.
Sa Binmaley naman, nasakote ang 50-anyos na tindera matapos bumili ng poseur buyer sa ikinasang buy-bust operation ng Binmaley PS.
Nakuha mula rito ang 0.15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,020, kasama ang isang marked money at cellphone.
Samantala, sa Asingan, naaresto ang 47-anyos na magsasaka matapos ipatupad ng Asingan PS at PDEA-RO1 ang search warrant laban rito.
Nakuha mula sa loob ng bahay ng suspek ang 7 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱47,600, at ilang drug paraphernalia.
Lahat ng operasyon ay isinagawa sa presensya ng mandatory witnesses at ng mga suspek, alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.









