Manila, Philippines – Dinagdagan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang mga tauhan sa mga pantalan para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi ng probinsya para sa Mahal na Araw.
Kahapon, nagsimula nang dumating ang mga pasahero kung saan maliban sa seguridad sa mga pier nakaalerto na rin ang disaster response group ng PCG upang agad makatugon sakaling may hindi inaasahang trahedya o kalamidad.
Nabatid na isang bagyo ang papalapit sa Pilipinas at inaasahang makakaapekto sa ilang bahagi ng bansa.
Muli namang nagpa-alala ang PCG sa mga pasahero na huwag nang tangkilikin ang mga sasakyang pandagat na over loaded, kolorum at huwag na ring magbitbit ng mga ipinagbabawal na kagamitan tulad ng armas, mga hayop na walang sapat na clearance, paputok o anumang sangkap na maaaring sumabog.