HIHIKAYATIN | DOF, handang kumbinsihin ang mga senador na ipasa ang TRAIN-2

Manila, Philippines – Handa ang Department of Finance (DOF) na kumbinsihin ang mga senador para aprubahan ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law o TRAIN 2.

Ayon kay Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua, isa-isa nilang papaliwanagan at kukumbinsihin ang mga senador sa magiging pakinabang sa bayan ng TRAIN 2.

Anila, kumpiyansa sila na kapag naipaliwanag nila ang TRAIN 2 ay may tsansa na maihabol ang pagsasabatas nito ngayong 17th Congress na magsasara sa June 2019.


Sa TRAIN 2, ibababa sa 20 porsyento ang corporate income tax na sa ngayon ay nasa 30 porsyento.

Babawasan naman ang mga tax incentive na may 15 hanggang 50 taon na umanong pinakikinabangan ng mahigit sa 600 korporasyon na karamihan ay nasa loob ng economic zone.

Giit pa ni Chua, hindi totoo na magiging dahilan ng pag-alis ng mga negosyante ang TRAIN 2 na siyang pangamba ng mga senador.

Sa kanilang pag-aaral, lilikha pa aniya ito ng 1.4 milyong trabaho sa loob ng 10 taon dahil ang matitipid ng mga korporasyon sa income tax ay maidadagdag sa kanilang puhunan at sa pagkuha ng dagdag na mga tauhan.

Nilinaw rin ng DOF na hindi tataasan sa TRAIN 2 ang buwis sa mga ospital at eskwelahan gaya ng mga naunang ulat.

Facebook Comments