HINAMON | Pagbibitiw ni Sec. Andanar, ipinanawagan ng isang kongresista

Manila, Philippines – Hinamon na rin ni Una Ang Edukasyon Partylist Representative Salvador Belaro na sumunod na ring magbitiw sa pwesto si Communications Secretary Martin Andanar.

Ang panawagan ay kasunod na rin ng pagbibitiw sa pwesto ni dating Assistant Secretary Mocha Uson sa PCOO.

Sinabi ni Belaro na ito ang dapat na gawin ni Andanar dahil sa moral at command responsibility sa mga kapalpakan ng PCOO.


Pagkakataon na rin aniya ito ng pamahalaan na linisin at ayusin ang Communications Office at magtalaga ng mga totoong competent at tapat na opisyal.

Inirekomenda din ni Belaro sa pamahalaan na gawing hiwalay na departamento ang PCOO habang ang Communications Office ng Presidente ay dapat na mapasailalim sa tanggapan ng Presidential Spokesman.

Pinagsasagawa din ni Belaro ng special audit ang PCOO kasama na dito ang pondong napunta sa tanggapan ni Uson.

Ang Philippine News Agency (PNA) naman ay dapat mag-produce ng mga objective news tulad ng international news agency at hindi lamang taga-labas ng propaganda ng gobyerno.

Facebook Comments