Hinating bote ng tubig, nagsilbing oxygen hoods ng ilang sanggol sa Laguna

Contributed photos from Facebook user

Umani ng batikos ang isang pampublikong ospital sa Calamba, Laguna dahil sa paggamit ng mga hinating mineral water bottles para magsilbing oxygen hoods ng ilang pasyenteng sanggol.

Nitong nakaraang linggo, kumalat sa internet ang kalunos-lunos na larawan ng tatlong sanggol na gumagamit ng naturang improvised breathing device.

Naka-confine ang mga munting anghel sa pediatric ward ng Dr. Jose Rizal Memorial Hospital sanhi ng pneumonia, matinding dehydration at congenital anomaly.


Ayon sa mga doktor ng nasabing pagamutan, kinailangan nilang dumiskarte upang mailigtas ang buhay ng mga bata.

Giit ng mga manggagamot, kulang ang kanilang medical supplies.

“‘Yung time na pong ‘yun kasi po dumagsa po ‘yung pasyente so ‘yung stock po natin na available eh naubos po, so kinailangan po namin mag-decide po na gumawa po tayo ng improvised oxygen hood para po maibigay natin ‘yung tama pong oxygen doon sa mga bata,” pahayag ni Dr. Arnold Cruz sa isang newscast.

Sa kabila ng kritisismong natatanggap ng ospital, laking pasasalamat pa din ng mga magulang ng tatlong sanggol dahil sa naisip na paraan para mapabuti kahit papaano ang sitwasyon ng kanilang mga anak.

Paglilinaw ng lokal na pamamahalan, meron silang sapat na pondo para bumili ng karagdagan oxygen hoods. Nagkataon umano na nagkaubusan ng supplies sanhi ng malawakang outbreak.

Facebook Comments