HINDI DAMAY | Illegal drugs case ni Senador De Lima, hindi apektado ng pagbasura ng DOJ sa kaso ng mga tinaguriang drug lords

Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na hindi makaaapekto sa kaso ni Senador Leila de Lima ang dismissal ng Department of Justice Prosecutors Office sa kasong drug trafficking laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, bukod naman ang kaso nila Espinosa, Lim at Co sa kasong kinakaharap ni Senador de Lima.

Paliwanag ni Roque, mayroong mga ibang testigo na magpapatunay sa kasong iligal na droga na kinasasangkutan ni De Lima at mismong ang Korte Suprema na aniya ang nagsabi na mayroong probable cause ang kasong isinampa laban sa Senadora.


Nilinaw din naman ni Roque na hindi pa niya nababasa ang dismissal order sa kaso nila Espinosa, Lim at Co.

Kaugnay niyan ay sinabi din ni Roque na sana ay maging maayos ang kalagayan ng kalusugan ng Senador na una nang nagpatingin sa ospital dahil sa nakitang bukol sa atay ni de Lima.

Facebook Comments