Dinipensahan ni Jodi Sta. Maria ang ABS-CBN laban sa utos ng National Telecommunication Commission na tigil-operasyon ng network.
Sa Instagram noong Linggo, ibinahagi ng Kapamilya actress ang kanyang saloobin hinggil sa isyu, kasama ang isang video ng pagtugtog at pag-awit niya ng “Blackbird” ng The Beatles.
Kasabay ng awitin ay ilang video clip ng paglilingkod ng ABS-CBN at ang laban nito sa franchise renewal.
“Andiyan ang ABS-CBN sa panahon ng krisis, ng sakuna, sa hirap at ginhawa, katulong at kaagapay ng lahat ng Pilipino. Nasa puso ng ABS-CBN ang mapaglingkuran, bigyang kasiyahan, malagyan ng ngiti ang bawat labi ng manunuod nito.
“Iginigiit nila na may nilabag na batas ang aming tahanan na pinagkukuhaan namin ng kabuhayan, ngunit mga ahensya na mismo ng gobyerno ang nagsabi na walang nilabag na batas ang ABS-CBN,” aniya.
Giit ng aktres, hindi dapat manahimik para sa mga “ama na nawalan ng trabaho, sa ina na pinagkaitan ng mapagkukunan ng libangan, sa mga batang inagawan ng kasiyahan, sa empleyado na nawalan ng trabaho at pagkakakitaan, at sa lahat ng Pilipinong tinanggalan/ninakawan/pinagkaitan ng pang araw-araw na impormasyon at serbisyo na nararapat para sa kanila”
“Sa bawat paglubog ng araw ay may nakaantabay na bagong panimula. At sa panahon ng dilim, kailangan lumaban na hawak ay katotohanan at dasal, sapagkat may naghihintay na ngiti at kalayaan.
“Binalian man nila tayo ng pakpak, hindi natatapos ang laban dito. Darating ang bagong umaga at tayo’y lilipad muli. Mas matayog kaysa nang sa huli,” dagdag niya pa.
Isa si Jodi sa maraming ABS-CBN star na nanindigan para sa kanilang home network gamit ang hashtag na #LabanKapamilya.
Tumatak ang aktres sa teleseryeng “Be Careful with my Heart” at “Pangako Sa’yo”.