Manila, Philippines – Walang nawala sa teritoryo ng Pilipinas na nakontrol ng China na isa sa mga bansang kaagaw nito sa West Philippine Sea.
Binigyaang diin ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na isinawalang bahala ang resulta ng survey na nagpapakitang maraming Pinoy ang nais na mabawi ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong kontrol sa mga inookupang isla ng China sa pinagaagawang teritoryo.
Paliwanag ni Lorenzana nanatiling inookupa ng bansa ang siyam na mga islets sa West Philippine Sea at wala ni isa sa mga isla ng bansa ang nakuha na ng China.
Samantalang bagaman dumami na aniya ang mga isla na inookupa ng China sa West Philippine Sea , ilan sa mga ito ay man –made features o mga artipisyal na isla na ginawa ng China na dati ay mga reefs lamang sa ilalim ng tubig na inayos o kinumpuni ng Beijing at ginawang military bases.
Batay sa survey ng Social Weather Station makikitang siyam sa sampung Pinoy ay nais na magkaroon ang gobyerno ng direktang kontrol sa nasabing mga isla na umano’y kontrolado na ng China.
Ngunit ayon kay Lorenzana mali ang pamamaraan ng pagtatanong sa mga respondents.