Manila, Philippines – Isasauli na lamang ni Akbayan Rep. Tom Villarin sa UST Alumni Association ang iginawad sa kanyang award kamakailan na Government Service Award.
Ang desisyon ng kongresista ay bunsod na rin ng paggawad din ng asosasyon ng kaparehong award kay Asec.Mocha Uson.
Hindi matanggap ni Villarin ang award at ang katwiran ng UST alumni association.
Kung ang criteria aniya sa pagbibigay ng award ay isang Thomasian graduate na nasa gobyerno, dapat aniya ay lahat ng Tomasino na nasa pamahalaan ay gawaran din ng ganitong award.
Binigyang diin pa ng kongresista na nakakahiya naman para sa isang tao na tumanggap ng award kung ang mga kilos at asal nito ay saliwa sa core values ng Thomasians partikular ang truth in charity, public accountability at transparency na siyang taliwas at hindi makikita kay Uson.
Aniya, balewala ang award dahil hindi ito kumakatawan sa merito ng nasabing unibersidad.
Ilang Thomasian graduates na rin ang nagpahayag na ibabalik ang kanilang award kabilang dito ang novelist at poet na nakabase sa New York na si Bino Realuyo at Former Health Secretary Dr. Carmencita Noriega-Reodica.