Ipasisilip ng Makabayan Bloc ang isyu kaugnay sa hindi pa nababayarang “estate taxes” ng pamilya Marcos.
Sa inihaing House Resolution 2553 ng Bayan Muna Partylist ay inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na magdaos ng pagsisiyasat “in aid of legislation” sa usapin upang makahanap din ng mga solusyon o panukala para hindi maulit ang kahalintulad na pangyayari.
Aalamin sa imbestigasyon ang pagiging bigo ng pamahalaan na makolekta ang naturang estate tax mula sa mga Marcos na tinatayang lumobo sa halagang ₱203 billion mula ₱23 billion.
Batay sa mga may-akda ng resolusyon, kung nakolekta lamang ang nabanggit na estate tax ay mayroon sanang magagamit ang gobyerno para sa mga kinakailangang ayuda at iba pang serbisyo para sa publiko lalo’t nagpapatuloy ang pagbangon ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Maaalala na una nang pinasisilip sa Senado ang kabiguan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na makolekta ang bilyong-bilyong pisong estate tax ng mga Marcos sa kabila ng utos ng Korte Suprema at mga umiiral na batas.
Pero giit ng kampo ng pamilya Marcos, hindi pa pinal ang desisyon ng korte at nakabinbin pa ang apela ukol dito.