Nasa ₱6 billion lamang mula sa higit ₱660 billion na pondo ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 ang hindi nagastos.
Ito ang nilinaw ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa naging cabinet briefing kagabi na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dominguez, 1 percent lamang ang hindi nagamit at halos lahat ay ginastos para sa pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Inihayag ito ng kalihim matapos sabihan ng pangulo na sagutin ang pagkwestiyon nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senator Panfilo Lacson na nagkaroon ng underspending sa kabila ng nararanasang krisis.
Sa ngayon aniya ay inaalam na nila kung anong mga ahensiya ang mayroong natira pang pondo at kung bakit hindi ito nagastos.
Matatandaang napaso ang Bayanihan 2 noong Hunyo 30.