Matapos ang kontrobersyal na P67 billion budget deficiency ng Department of Health (DOH), pinasisilip din ngayon ng isang kongresista sa Kamara ang hindi naman pagbabayad ng ahensya sa benefits at allowances para sa mga private healthcare workers na nakapaloob sa Bayanihan 2.
Ang hakbang ay kasunod ng ginanap kamakailan na dayalogo sa pagitan ng private Healthcare Workers (HCWs) unions sa National Capital Region (NCR) at ng ilang mga mambabatas.
Nagtataka si Deputy Minority Leader Stella Quimbo, isa sa mga mambabatas na dumalo sa dayalogo, kung bakit hindi nagawang ibigay ng DOH ang mga benepisyo ng mga private healthcare workers gayong pinalawig naman ang Bayanihan 2 hanggang nitong June 30, 2021.
Dahil sa isyung ito ay naghain si Quimbo ng House Resolution 2121 kung saan inaatasan dito ang House Committee on Good Government and Public Accountability na magsagawa ng imbestigasyon sa kapabayaan ng DOH na maibigay ang mga benepisyo at allowances ng mga private medical frontliners.
Aabot sa P13.5 billion ang pondo para sa allowances at benefits ng mga private health workers.
Kailangan aniyang maipaliwanag at matukoy ng DOH ang mga rason kung bakit bigo nitong maibigay ang mga benepisyo at pinaglalatag rin ng solusyon ang ahensya tungkol dito.
Tinukoy pa ni Quimbo na malinaw na nakasaad sa Bayanihan 2 ang probisyon para sa COVID-19 Special Risk Allowance (SRA), life insurance, accommodation, free meals, at transportation ng mga public at private health worker.
Kasama rin sa Bayanihan 2 ang medical expenses ng mga health worker na magkakasakit ng COVID-19 at iba pang work-related disease.