
Nagpahayag ng lubos na pagkadismaya ang mga senador sa hindi pagdalo ni Energy Secretary Sharon Garin sa pagdinig ng Senate ad hoc committee tungkol sa mga hakbang ng pamahalaan sa epekto ng nagpapatuloy na krisis sa Middle East.
Sa pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, hinanap ni Senator Kiko Pangilinan kung nasaan si Garin dahil ang ibang kalihim ng mga ahensya na pinatawag ay dumalo sa hearing.
Ayon kay ad hoc committee Chairman Sherwin Gatchalian, nauna na niyang sinabihan si Garin na mahalaga ang personal na pagdalo niya sa pagdinig dahil ang energy sector ang pinakamalaking casualty ngayon.
Sa halip, pinadalhan siya ni Garin ng napakahabang schedule na hindi naman niya hiningi—sa madaling salita, busy ngayon ang Secretary.
Hindi naman napigilan ni Senator Loren Legarda na mainis at sinabing kapag sa ibang bagay, mabilis pa sa alas kwatro ang Kalihim, pero sa krisis ay wala sa pagdinig.
Pinuna rin ni Legarda na kapag humihingi ng pondo sa Senado, kahit overnight ay tinatyaga ang paghihintay sa pagdinig, pero sa paglalatag ng malinaw na crisis action plan ay napakaraming dahilan.










