Tuesday, March 10, 2026

Hindi pagpapatawag ng Blue Ribbon Committee sa ilang personalidad na idinadawit sa flood control scandal, kinwestyon ng isang senador

Kinwestyon ni Senator Rodante Marcoleta ang hindi pagpapatawag ng Senate Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon ng flood control projects anomaly kay dating Speaker Martin Romualdez at maging sa 18 mga dating militar na umano’y dating mga tauhan ni former Congressman Zaldy Co.

Sa privilege speech ni Marcoleta na tinawag niyang “Hanggang kailan…”, tinanong ng senador kung ano ang kinatatakutan ng chairman ng Blue Ribbon na si Senator Ping Lacson at hanggang kailan aniya ang tahasang pagharang sa katotohanan at pagbubulag-bulagan.

Pinuna ni Marcoleta na bukod kay Romualdez, hindi rin pinatawag ang 17 kongresistang idinawit noon sa flood control scandal ng mag-asawang contractors na Discaya gayundin ang mga mismong idinawit noon ni Lacson tulad ni dating Presidential Legislative Liason Office Undersecretary Adrian Bersamin, 67 kongresista na umano’y contractors at ilan sa mismong contractors ng ghost flood control projects.

Samantala, sa abiso ni Lacson ay ipinaabot niya mamaya punto por punto ang tinawag niyang kulang sa research at fact checking na talumpati ni Marcoleta.

Puna pa ni Lacson na hayagan ang pagsisinungaling ni Marcoleta dahil kasama ang senador sa nakatanggap ng kopya ng partial committee report na pirmado ni Lacson bago ipinaikot sa mga kasamahang senador.

Facebook Comments