Manila, Philippines – Hinimok ng grupong Laban Konsyumer ang Department of Trade and Industry (DTI) na pagbawalan muna ang mga manufacturer na magtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin.
Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, hindi muna dapat aprubahan ng DTI ang ano mang hirit na dagdag-presyo sa mga bilihin dahil bugbog na ang mga konsumer sa taas presyo.
Sabi pa ni Dimagiba, tila walang silbi ang pagpataw ng DTI ng “expanded SRP” o SRP sa mas maraming produkto.
Base kasi sa pag-iikot nila sa ilang grocery, napansin nilang lagpas sa SRP ang presyo ng ilang produktong sardinas.
Pero ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, wala silang balak na pigilan ang mga dagdag-presyo kung iilang brand lang naman ito.
Aniya, sa dami kasi ng brands, may mapagpipilian naman ang mga konsumer.
Dagdag ni Lopez, hanggang tatlong brands lang naman sa higit 30 brands ng de-lata ang humirit ng panibagong dagdag-presyo.