HINULI | Mahigit 30 tao, inaresto matapos hindi tumayo nang patugtugin ang pambansang awit

Batangas – Arestado ang nasa 34 na tao matapos hindi tumayo at magbigay-galang nang patugtugin ang pambansang awit sa loob ng sinehan sa Lemery, Batangas.

Ayon sa pulisya, tinatawag na “oplan bandila” ang kanilang operasyon na layon maipatupad ang batas tungkol sa pagrespeto sa pambansang awit.

Ito ay batay na rin sa mas pinahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 8491, o ang “Flag and Heraldic Code of the Philippines.”


Sa isa sa mga surveillance video na kuha ng mga pulis, habang pinapatugtog ang “Lupang Hinirang” makikita ang pagtayo ng ilan, pati na rin ang pagbabalewala ng iba sa pambansang awit.

Hanggang sa matapos ang kanta, nanatili pa ring nakaupo ang iba.

Depensa naman ng mga naaresto, hindi nila alam na may manghuhuli sa loob ng sinehan pero alam nila na kailangang tumayo kapag pinapatugtog ang “Lupang Hinirang.”

Bukod sa mga sinehan, target din ng pulisya na magsagawa ng operasyon sa iba pang pampublikong lugar na itinakda ng batas.

Facebook Comments