Hirit na dagdag na pondo ng kamara, dinepensa ni House Speaker Alan Peter Cayetano

Pinabulaanan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang ulat na may hinihingi ang Kamara na dagdag na P1.6 Billion budget para sa 22 deputy speakers.

Sa first General Assembly ng Congresssional Spouses Foundation Inc. (CSFI) ng 18th Congress, iginiit ni Cayetano na “fake news” ang lumabas na ulat dahil hindi para sa mga Deputy Speakers ang hinihinging pondo sa 2020 budget.

Paliwanag ni Cayetano, para sa pagpopondo sa research ng legislative ang additional funding, dagdag na mga empleyado, komite gayundin sa improvement ng facilities.


Layon aniya ng hinihiling na dagdag na pondo na maging pro-people ang pasilidad ng Kamara gayundin ang mabigyan ng budget ang Congressional Policy and Budget Research Department para sa epektibo at mabilis na pagbuo ng panukala.

Lumaki rin aniya ang bilang ngayon ng mga kawani sa Mababang Kapulungan at nadagdagan din ang komite partikular ang pagdadagdag sa Senior Vice Chairmen ng Committee on Appropriations at Ways and Means.

Mababatid na P14 Billion ang pondo ng Kamara para sa 2020 at humirit ng dagdag na P1.6 Billion na pondo para dito.

Samantala, ngayong hapon ay nagkaroon naman ng art exhibit ang congressional spouses na pinangungunahan naman ni Taguig-Pateros Rep. Lani Cayetano na may temang “Pinto sa Kongreso: An Art Appreciation Exhibit” kung saan panauhing pandangal si Speaker Cayetano at Dr. Joven Cuanang ng Pinto Art.

Gagamitin ang proceeds sa mabebentang sining sa livelihood projects at programs ng CSFI.

Facebook Comments