Manila, Philippines – Handa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dinggin ang petisyon ng ilang transport group na ibalik sa P10 ang minimum na pasahe sa jeep.
Kahapon nang pormal na ihain ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) ang petisyon.
Katwiran ni ACTO President Efren De Luna – bukod sa sunod-sunod na oil price increase, pasakit din ang dagdag na fuel excise tax ngayong taon, fare discount sa mga estudyante, senior citizens at pwds pati na ang matinding trapik.
Pero ayon kay Ltfrb Chairman Martin Delgra – hindi sapat na dahilan ang oil price increase para katigan nila ang hirit na dagdag-pasahe.
Aniya, hindi lang ito ang dapat na tinitingnan ng mga transport group.
Dapat din aniyang ikonsidera ang magiging impact nito sa inflation at sa mga pasahero.
Oktubre noong nakaraang taon nang gawing P10 ang minimum na pasahe sa jeep pero makalipas lang ang dalawang buwan, ipinag-utos ng LTFRB na ibalik ito sa siyam na piso dahil sa sunod-sunod na rollback sa diesel.
Samantala, papalawigin ng LTFRB ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga driver at operator ng jeep.
Hanggang ngayon kasi, nangangalahati pa lang ang nakakuha ng pantawid pasada fuel card.
Ngayong taon, nasa P20,000 na ang makukuhang ayuda ng mga driver at operator ng jeep pero hindi pa ito maipatutupad dahil hindi pa napipirmahan ni Pangulong Duterte ang 2019 budget.