Manila, Philippines – Pinalagan ng Malacañang ang hirit ni House Majority Leader Rep. Rodolfo Fariñas na palusutin sa traffic violations ang mga mambabatas.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na mismong si Pangulong Duterte ay ayaw sa magarbong pamumuhay.
Una nang isinulong ni Fariñas na makalusot ang mga mambabatas sa pag-aresto kung lumabag sa batas trapiko sa pagmamadaling makadalo sa kanilang sesyon sa kongreso.
Sinabi naman ni MMDA Spokesperson Celine Pialago na wala pang pormal na request silang natatanggap hinggil rito.
Aniya, nais muna nilang makita ang nilalaman ng pormal na request para mapag-aralan nila ito.
Nabatid na ang Metro Manila Council ang gumagawa ng mga polisiya ng MMDA kung saan binubuo ito ng mga alkalde sa Metro Manila.