Hirit na P50-K entry level para sa mga pampublikong guro, pinasusuri ng DepEd sa World Bank

Umapela na ng tulong ang Department of Education (DepEd) sa World Bank para mapag-aralan ang hirit na P50,000 na entry level para sa mga pampublikong guro sa bansa.

Sa ambush interview sa Malacañang, inihayag ni DepEd Undersecretary at Spokesperson Michael Poa, na nagkaroon na sila ng naging pagpupulong sa World Bank noong nakaraang linggo.

May inisyal na pagsusuri na aniya ang World Bank hinggil dito pero nangangailangan pa ito ng karagdagang pag-aaral.


Partikular sa pinasusuri ng DepEd ay kung maaari bang gawing taunan ang umento sa sahod ng mga guro para makasabay sa galaw ng inflation.

Samantala, ayon kay Poa ay inaasahang maibibigay ng World Bank ang final report sa mga susunod na linggo at oras na makarating ito sa DepEd ay gagawin nila itong gabay para sa susunod na budget hearing.

Facebook Comments