Hirit ng ilang transport group na ibalik ang pisong provisional increase, dedesisyunan na ng LTFRB

Inaasahang maglalabas na ng pinal na desisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lalong madaling panahon hinggil sa hirit ng transport groups na ibalik ang pisong ibinawas nila sa pasahe noong 2018.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni LTFRB Executive Director Kristina Cassion na ito ay matapos ang serye ng mga pagpupulong at technical consolations ng iba’t ibang stakeholders.

Ani Cassion, mainam na hintayin na lamang ang desisyon ng board kung kakatigan ba nila o hindi ang hirit na ibalik ang pisong pasahe dahil na rin sa walang puknat na oil price hike.


Samantala, pinag-aaralan din ng ahensya kung pagbibigyan nila ang hirit na taas pasahe ng ilang transport groups at sa katunayan naka-agenda na ito sa March 22.

Kaugnay nito, sinabi ni Cassion na sa loob ng buwang ito ay maipamamahagi na nila sa higit 377,000 benepisyaryo ang fuel subsidy para sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan.

Ito ay para makaagapay sa mga driver dahil na rin sa inaasahan pang taas presyo ng produktong petrolyo sa mga susunod na linggo.

Saklaw aniya nito ang mga driver ng jeep, bus, UV Express van, taxi, TNVS at maging mga tricycle at delivery services.

Hinihintay na lamang aniya nilang mailabas ng Department of Budget of Management (DBM) ang pondo para dito.

Facebook Comments