Itinutulak ni Albay Rep. Joey Salceda ang pagkakaroon ng hiwalay na ahensya na tututok para sa mga kumakalat na Communicable o Infectious Disease.
Inihain ni Salceda ang House Bill 6096 kung saan itatatag ang Center for Disease Control and Prevention (CDCP) bilang hiwalay na ahensya pero nasa ilalim pa rin ng kontrol at pamamahala ng Department of Health.
Ang CDCP ang siyang magpapatupad ng mga polisiya, magsasagawa ng surveillance at pag-aaral, disease control, prevention at response sa mga sakit na bigla na lamang umuusbong o iyong mga rapid o sudden onset health hazards and emerging diseases tulad ng Novel Coronavirus.
Ipapasok sa pamamahala ng CDCP ang Disease Prevention and Control Bureau, Epidemiology Bureau at ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para mapagtibay lalo ang disease control at prevention capacity ng bansa.
Palalawakin din ang quarantine powers ng Health Secretary upang matiyak na hindi malulusutan ng sakit ang bansa at lilikha din ng Health Emergency Coordination Council na siyang pangunahing makikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno sakaling magkaroon ng ‘state of health emergency’.
Tinukoy ni Salceda na puro research lamang ang bansa sa mga ‘rapid diseases’ pero walang sapat na kapasidad ang bansa para mapigilan ito.
Napapanahon na rin aniya na magkaroon ng hiwalay na ahensya para sa pag-aaral at pagpigil sa mga communicable diseases upang hindi na tayo magpadala ng mga samples sa ibang bansa para ma-test kung positibo o hindi sa nakakahawang sakit ang isang tao.