Iminungkahi ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na maglaan ng hiwalay na pampublikong sasakyan para sa mga hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.
Giit ni Pangilinan, ang “no vaxx, no ride” policy ay dagdag na pahirap sa mahihirap ngayong may pandemya.
Nanawagan din si Pangilinan sa pamahalaan na magbigay ng libreng sakay patungo sa mga vaccination centers, mga nasa emergency situations at may importanteng bibilhin tulad ng pagkain at gamot.
Bukod dito ay hiniling din ni Pangilinan na hayaan ang mga Local Government Units o LGUs na magpatupad ng mga hakbang para tugunan ang mga isyu sa pagpapabakuna sa kanilang nasasakupan.
Ipinunto ni Pangilinan na habang nililimitahan ang galaw ng mga hindi bakunado ay marami naman na nais magpabakuna ang walang magawang paraan lalo na sa mga probinsya kung saan pinipilahan ang vaccination centers.
Sabi ni Pangilinan, kailangang mas padaliin ang mga bagay para sa pagbabakuna tulad ng paglalapit ng bakuna centers, padamihin ang lugar ng bakunahan at alalayan ang lahat sa proseso.