Cauayan City, Isabela- Hinihikayat ni DA Secretary William Dar ang mga commercial at backyard hog raisers na kumuha ng livestock insurance sa Philippine Crop Insurance Corporation upang mapagaan ang naluging kapital o sakaling tamaan man ng African Swine Fever ang kanilang alagang baboy.
Ito ay sa kabila ng malawakang kampanya ng ahensya para masiguring protektado ang mga hog raisers sa ASF.
Ayon kay PCIC President Jovy Bernabe, nahati sa dalawang kategorya ang pagbabayad ng premiums. Una, ang karampatang premium na 2.25% ng P10,000 o P225 kada baboy. Pangalawa, libre ito para sa mga hog raisers na kabilang sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture. Magbabayad ang PCIC ng P10,000/head sa mga apektadong hog raisers.
Magkaiba ang insurance coverage na ito sa ASF Indemnification Program na ipinatutupad ng DA Livestock Program, kung saan namamahagi ito ng P5,000/culled swine head, bunsod ng ASF.
Maaaring mag-apply online sa pamamagitan ng DA PCIC website o bisitahin ang mga regional at provincial extension offices at service desks.
Sa Cagayan Valley, maliban sa mga nauna nang mga indemnification claims, mayroong siyam na hog raisers na may 47 heads na claim at nagkakahalaga ng mahigit P200,000.
Ayon kay PCIC Regional Office No. 02 OIC-Manager Jean Bayani, nakahanda na ang kanilang tanggapan na magbigay ng insurance sa mga hog raisers para sa taong ito.
Kanyang inaabisuhan ang mga interesadong magsasaka na makipag-ugnayan sa opisina ng Municipal Agriculturist o pinakamalapit na tanggapan ng PCIC sa kanilang mga lugar.
Sa kasalukuyan, naglaan ang DA ng 400 milyong piso para repopulation program at pinaiigting ang programang BABay o Bantay ASF sa Barangay upang wakasan ang lumalalang problema sa ASF at maibalik na sa normal ang presyo ng karneng baboy.