*Cauayan City, Isabela- *Patuloy pa rin na pinaghahanap ng mga alagad ng batas ang isa pang suspek na nakatakas sa nangyaring engkwentro sa bayan ng Ramon, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Major Abdel Aziz Maximo, hepe ng PNP Ramon, kasalukuyan nang tinutugis ang isa pang holdaper na kinilalang si Jefferson Tugas na taga San Juan, Ilocos Sur na kabilang sa apat na holdaper na nakipagbarilan sa tropa ng PNP Ramon na ikinasawi ni PSSgt Richard Gumarang at ng dalawa pang mga suspek.
Ayon kay PMaj Maximo, base sa pahayag ng kanyang tropa ay posibleng may tama sa katawan si Tugas na tumakas sa engkuwentro.
Nabatid na dati nang sangkot sa Serious Robbery ang grupo ng mga suspek na pinangungunahan ng napatay na si Francis Alden Regundique na unang nakilala sa pangalang Edmar de Castro.
Dagdag pa ng hepe, matagal na umanong plano ng grupo ang panghoholdap sa Lungsod at mayroon umano silang nakaka-ugnayang tao na maaaring kasabwat sa kanilang transaksyon.
Nananawagan naman si PMaj. Maximo sa publiko at sa mga nakakakilala kay Tugas na ipagbigay alam lamang sa mga otoridad o sa himpilan ng pulisya kung siya man ay makita.
Nakatakda namang sampahan ngayong araw ang nahuling suspek na si Jayson Saringan ng kasong murder, frustrated murder at paglabag sa RA 10591.
Magugunita noong September 20, 2019 ng hapon ay nakorner sa Brgy. Turod Bugallon, Ramon, Isabela at nagkapalitan ng putok ng bala ng baril ang tropa ng PNP sa mga holdaper na tumangay sa bag ng isang Ginang sa Tuguegarao City na may lamang P10,000.00 cash matapos umiwas ang mga ito sa inilatag na checkpoint ng pulisya.