Hospital bed capacity, kontrolado pa rin sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng dengue sa bansa

Nananatiling kontrolado ang hospital bed capacity sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ng dengue sa bansa.

Ayon kay Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman, sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na ulat na kinukulang na ang hospital bed para sa mga pasyenteng may dengue.

Batay sa huling datos ng DOH ay umaabot na sa 82,597 ang naitalang kaso ng dengue sa bansa mula Enero 1 hanggang Hulyo 16 ng kasalukuyang taon o katumbas ng 106% na mas malaki kumpara sa dengue cases na naitala sa parehong panahon noong 2021.


Karamihan sa mga kaso ng sakit ay naitala sa Central Luzon, sumunod ang Central Visayas at National Capital Region (NCR).

Sinabi ni Dr. De Guzman na may utos na sa mga ospital na magtakda ng dengue fast lane upang agarang matugunan ang pangangailangan ng pasyente.

Dagdag pa ni De Guzman, ipinatitiyak pa ng DOH na sapat ang suplay ng mga gamot sa may mga sintomas ng dengue.

Facebook Comments