*Cauayan City, Isabela- *Patuloy pa rin ang isinasagawang Hot Pursuit operation ng kasundaluhan sa mga tumakas na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa naganap na engkwentro kamakailan sa pagitan ng 95th Infantry Battalion sa mga nasa mahigit dalawampung kasapi ng NPA.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Capt. Melvin Asuncion, ang CMO Officer ng 502 nd Infantry Brigade na hindi umano sila titigil sa kanilang pagtugis hanggat hindi nila nalulupil ang mga NPA.
Aniya, malaki in umano ang posibilidad na may nasugatan o may namatay sa panig ng mga NPA dahil sa kanilang mga nakitang dugo sa pinagpwestuhan ng mga rebelde.
Matatandaan na noong ika-pito ng Hulyo ay nagkasagupa ang pagitan ng 95th IB sa mga NPA kung saan nakubkob ng militar ang kanilang kampo sa may bulubunduking bahagi ng Brgy. San Miguel, Echague, Isabela matapos ang mahigit kumulang na dalawang oras na bakbakan.
Inaalam rin ngayon ng militar kung saan nanggaling ang kanilang narekober na limang m16 riffles na kasama sa kanilang nakuhang mga gamit at dokumento sa kampo ng NPA.
Nananawagan naman ngayon si Capt. Asuncion sa taumbayan maging sa mga local supporters ng NPA na makipagtulungan upang mahanap ang mga tumakas na NPA.
Patuloy rin umano ang kanilang panghihikayat sa lahat ng mga makakaliwang grupo na sumuko na lamang upang matamasa ang iniaalaok na programa ng pamahalaan gaya ng programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) para sa lahat ng mga magbabalik loob sa gobyerno.