
Pinapadalo ng House Committee on Justice si Ramil Madriaga sa nakatakdang impeachment proceedings sa April 14, 2026, 10:00 ng umaga sa People’s Center ng Batasan Pambansa sa Quezon City.
Nakasaad ito sa inilabas ng subpoena ad testificandum et duces tecum ng House Committee on Justice para kay Madriaga.
Kaakibat nito ay pinapasumite ng komite kay Madriaga ang orihinal na kopya ng kanyang affidavit na may petsang November 29, 2025 at iba pang ebidensya na nasa kanyang pag-iingat laban kay Vice President Sara Duterte.
Inaasahang magbibigay si Madriaga ng testimonya ukol sa maling paggamit umano ni VP Sara ng confidential funds na nakapaloob sa kinakaharap nitong dalawang verified impeachment complaints.
Tinukoy sa subpoena na nagtrabaho si Madriaga para kay VP Duterte at kasamang bumuo sa Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
Binanggit din sa subpoena na sa pagitan ng 2022 hanggang 2023 ay si Madriaga ang kumukuha ng confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) para ideliber sa mga kaibigan at kakilala ni VP Duterte.
Batay sa subpoena ay maaring magsama si Madriga ng kanyang abogado pero limitado lang ang papel nito sa pagpapayo sa kanya at hindi maaring magsalita o lumahok sa proceedings.










