House-to-house search sa mga positibo sa COVID-19, makabubuting ipaubaya sa mga doktor at hindi sa pulis

Kumbinsido si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na maganda ang layunin ng planong pagbabahay-bahay ng mga pulis para kunin ang mga positibo sa COVID-19 at dalahin sa quarantine facilities.

Pero giit ni Recto, sa halip na mga pulis ay mas makabubuting ipaubaya ito sa mga doktor na siyang nakakaalam kung paano gamutin ang may sakit.

Iginiit naman ni Senator Ronald Bato Dela Rosa na kung kaya ng Department of Health (DOH) at Local Government Units (LGUs) ang house-to-house search ay huwag ng isama ang mga pulis upang maiwasan ding maakusahan sila ng militarisasyon sa pagtugon sa health issue.


Para naman kay Senator Sherwin Gatchalian, delikado ito para sa mga pulis dahil baka mahawaan sila ng virus bukod sa makakaubos din sa kanilang oras na mas kailangan para sa pagpapanatili nila ng peace and order sa gitna ng pandemya.

Mungkahi ni Gatchalian, gawing mandatory sa lahat ng magpopositibo sa virus na agad dalhin sa quarantine facilities at hindi na dapat payagan ng mga LGU na makauwi sa kanilang bahay.

Binigyang diin naman ni Senate President Tito Sotto III na ang house-to-house search ay nagpapakitang seryoso talaga ang gobyerno na mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

Sabi naman ni Senator Joel Villanueva, hindi praktikal na pulis pa ang gagawa ng house-to-house search at ang presensya nila sa bahay ng mga COVID-19 patients ay baka makadagdag sa pagkabahala ng publiko ngayong may pandemya.

Facebook Comments