Arestado ang isng Koreano sa Clark Airport matapos makitaan ng mga ipinagbabawal na gamot na sinubukan niyang ipuslit mula sa mga screening checkpoint ng paliparan. Kinilala ni Alexander Cauguiran, ang Presidente at Chief Executive Officer ng Clark International Airport Corporation (CIAC) ang suspek na si Kim Junho, 37, na nahuli ni CIAC Security Officer Rogelio Aggari at Office of Transportation Security (OTS) Staff na si Rommel Bernabe matapos makita ang mga kahina-hinalang item sa bagahe ng Koreano sa kasagsagan ng paunang checkpoint. Nakuha mula sa bagahe ni Junho ang isang sachet ng tuyong marijuana at mga sachet na kulay puti na pinaghihinalaang cocaine o shabu. Ayon kay Cauguiran, sa buong taon ay dinarayo ng mga Koreanong pasahero ang Clark airport kung kaya’t mas pinaigting at hinigpitan pa ng administrasyon ng paliparan ang seguridad para sa bawat pasaherong babyahe paalis at pabalik ng bansa. Dinala si Junho sa Philippine National Police Aviation Security Unit para sa paglilinaw ng pangyayari matapos niyang masagot ang mga katanungan bago i-turn over sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region III para sa karagdagang imbestigasyon.
HULI | Korean National Timbog dahil sa Ilegal na Droga!
Facebook Comments