HULICAM | Lalaking nagnakaw ng pera, alahas ng kaniyang amo sa QC, timbog

Quezon City – Arestado ang isang magnanakaw matapos mag-post ng larawan habang ipinapakita ang tinangay niyang pera at alahas ng kaniyang amo sa Quezon City.

Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang suspek na si Kevin Angelo habang nag-aayos ng gamit sa tindahan na kaniyang pinagtatrabahuhan sa Commonwealth Market.

Pero nang umalis ang katrabaho ng suspek, lumapit ito sa lamesa at kinuha sa ilalim ang bag ng kaniyang amo.


Nang dumating ang kaniyang kasamahan, nagpaalam itong lalabas at hindi na muling bumalik.

Ayon sa biktimang si Rebecca Bagasina-Cribe, nasa bag na tinangay ni Angelo ang kaniyang pera at mga alahas na nagkakahalaga ng halos P1 milyon.

Nabuko ang ginawa ni Angelo nang makigamit ng Facebook messenger sa cellphone ng isang kasamahan kung saan siya nagtatago sa Batangas.

Nabawi naman sa suspek ang bag ng biktima pero ang mahigit P700,00 pera na nasa bag nito ay kaunti na lang ang natira dahil ipinamili na raw ng gamit ng suspek at ipinamigay sa kaniyang mga kaanak.

Habang nakuha sa isa pang bahay na tinuluyan ng suspek ang ilang alahas.

Sabi naman ni Police Senior Inspector Sandie Caparroso, spokesman, QCPD Station 6, modus ng suspek na pumasok bilang trabahador at pag-aralan ang kaniyang bibiktimahain saka pagnanakawan.

Napag-alaman din na may mga kaparehong modus din ang suspek sa Rizal at Marikina.

Facebook Comments