HULICAM: Tindera, tinangkang saksakin ng pulubing binigyan niya ng pagkain

3395
Screenshot captured from Marilyn Layson's CCTV footage.

Muntik malagay sa peligro ang buhay ng isang tindera matapos siyang tangkain saksakin ng pulubing binigyan niya ng pagkain.

Sa CCTV footage na ibinahagi ng biktimang si Marilyn Layson, makikitang pumasok ang isang namamalimos at nakipagusap siya sa kahera.


Nang abutan siya ng pagkain ni Layson, biglang nagalit at naglabas ng kutsilyo ang suspek. Ilang sandali pa, inambahan na siya ng lalaki ng saksak.

Giit ng namamalimos, kailangan niya ng pera dahil may sakit umano ang anak niya.

Nagkagulo at naglabasan agad ang mga mamimili sa tindahan sanhi ng tensyong naganap.

Kaagad umalis ang lalaki nang malaman niyang may paparating na pulis at CCTV sa loob ng shop.

Nangyari ang naturang insidente noong hapon ng Oktubre 21, sa Barangay Concepcion Uno, Marikina City.

Mabilis naman nahuli ng awtoridad ang pulubi na kinilalang si Roberto Baluran.

Batay sa pagsisiyasat, walang karamdaman ang supling niya at lasing siya nang manggulo sa nasabing tindahan.

Nahaharap sa reklamong grave threat si Baluran at kasalukuyang nakapiit sa Marikina City Jail.

Facebook Comments

From Advertisers