*Ilagan City, Isabela* – Ibinida ni Vice Governor Elect Faustino “Bojie” G. Dy ang mga programang pang-agrikultura kung saan tinaguriang Champion of the Local Government Province sa buong bansa.
Sa ginanap na State of the Province Address ni Dy ngayong araw sa Amphitheater ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela, kanyang inisa-isa ang mga programa at mga inisiyatibo na nakatulong ng malaki sa mga magsasaka ng lalawigan ng Isabela.
Itinatag umano ang BRO Programs kung saan nakapaloob dito ang iba’t-ibang mga programa para sa mga maliliit na mga magsasaka gaya ng libreng PhilHealth, pagkakaroon ng SSS Membership, PAG-IBIG Members, Livelihood Programs para sa asawa ng mga magsasaka, Pagpapautang ng walang interes sa mga magsasaka, Crop Insurance para sa mga tanim ng mga maliliit na magsasaka, at marami pang iba na pinakikinabangan na ngayon ng mga magsasaka sa Isabela.
Ito umano ang itinuring na nag-iisa at pinakamalawak na programa sa kasaysayan ng Local Governance sa bansa. Dagdag pa niya, sinubok umano itong gayahin ng ibang mga Local Government Unit subalit Isabela pa lamang umano ang nakagawa nito
Dagdag pa niya na ang lalawigan ng Isabela umano ang kauna-unahang nag-enroll ng mahigit sampung libong maliliit na magsasaka na maging miyembro ng Social Security System na siyang naging dahilan upang makilala ang Isabela sa buong bansa.