Hustisya para sa mga mangingisda na inabandona ng Chinese vessel sa Recto Bank, dapat ipaglaban ng pamahalaan

Kinastigo ni Senator Richard Gordon ang mga hakbang ni Agriculture Secretary Emmanuel Pinol para mapalambot ang layuning mabigyan ng hustisya ang mga mangingisdang pilipino na inabandona ng Chinese vessel sa karagatang sakop ng Recto Bank.

 

Pahayag ito ni Gordon makaraang magbago ng testimonya ang mga mangingisda partikular ang kapitan ng Filipino fishing boat na binangga umano ng Chinese vessel.

 

Ipinunto ni Gordon na matapos makasalamuha ng mga mangingisda si Piñol ay sinabi ng kapitan ng fishing boat na emotional lang sya kaya nauna niyang isiniwalat na sila ay sinadyang banggain ng Chinese vessel.


 

Ayon kay Gordon, hustisya at respeto ang dapat ipagkaloob sa mga mangingisdang biktima at hindi mga regalo mula sa ating gobyerno na magbababa sa kanilang dignidad sa mata ng buong mundo.

 

Binanggit ni Gordon na sa takbo ng mga pangyayari, baka sa bandang huli ay sabihin na lang ng 22 mangingisdang pinoy na tinangka lang nilang magpakamatay sa gitna ng karagatan at walang may kasalanan sa sinapit nila.

 

Giit ni Gordon, dapat ay huwag lumihis ang gobyerno sa punto na may pananagutan ang chinese vessel sa ginawang pag-abandona sa kanila sa karagatan kaya kinailangan pa nila ang tulong ng Vietnamese vessel para sila ay makaligtas.

Facebook Comments