
Cauayan City – Nagsimula na ang hybrid-digital payout ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa probinsya ng Cagayan, sa pakikipagtulungan ng Landbank of the Philippines (LBP) at Cooperative Bank of Cagayan.
Sa bagong sistema, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang magbe-beripika ng mga dokumento ng benepisyaryo, habang ang LBP ang magpapamahagi ng tulong pinansyal.
Gamit ang Information System Digital Payment, mas magiging mabilis at epektibo ang distribusyon ng ayuda, habang iniiwasan ang double payment o pagkuha ng benepisyaryo ng tulong nang wala pa sa itinakdang tatlong buwan.
Ang AICS ay nagbibigay ng tulong pinansyal mula P1,000 hanggang P10,000 depende sa assessment ng social worker.
Sakop nito ang gastusin para sa pagkain, gamot, hospitalisasyon, transportasyon, pagpapalibing, at iba pang pangangailangan sa panahon ng krisis.