Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan, inirekumenda ng isang sub-committee ng House Committee on Rules na magpatuloy ang “hybrid plenary sessions” sa Mababang Kapulungan.
Ang naturang sub-committee ay pinamumunuan ni Presidential Son Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos habang ang Committee on Rules ay pinamumunuan naman ni House Majority Leader Mannix Dalipe.
Matatandaan na inihain ng Makabayan Bloc ang House Resolution 859 na humihiling sa Liderato ng Kamara na ipatupad na ang full face to face na plenary sessions.
Pero diin ni Libanan, napagkasunduan nila sa sub-committee level na manatili ang hybrid session kung saan pwede ang magkahalong “online” at pisikal na attendance ng mga kongresista.
Paliwanag ni Libanan, ito ay dahil delikado pa rin ang sitwasyon bunga ng pagtaas muli ng mga bagong kaso ng COVID-19.