IATF, naglabas ng amended entry protocols para sa mga dayuhang papasok ng bansa

Inamyendahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang ilang entry protocols para sa foreign nationals na darating sa bansa.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, hindi na iri-require sa asawa at anak ng mga Filipino citizen, at mga balikbayan maging ang asawa at anak ng mga ito ang pagkakaroon ng return ticket na hindi lalampas sa 30 araw, sa oras na tumungo ang mga ito sa Pilipinas.

Ikalawa, ang foreign nationals na magmumula sa visa-free countries na nais manatili sa Pilipinas ng lagpas sa 30 araw, maaaring pumasok sa bansa sa pamamagitan ng exemption document na inisyu sa ilalim ng mga umiiral na IATF rules at regulations.


Para naman sa mga dayuhang asawa at anak ng mga Pilipino na hindi residente ng non-visa countries, o nagmula sa visa-required countries, o restricted foreign nationals, hindi na kinakailangan pa ng mga ito ng exemption document, basta’t mayroon lang hawak na 9(a) visa.

Binigyang diin ng kalihim na lahat ng foreign nationals ay required pa rin na fully vaccinated na laban sa COVID-19, maliban na lamang sa mga 12 years old pababa.

Kailangan pa ring magpresinta ng mga ito ng negatibong RT-PCR test result, na kinunan sa loob ng 48 oras bago ang kanilang departure.

Facebook Comments