Iba pang aktibidad at operasyon ng ilang establisyemento sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine, pinayagan na ng IATF

Simula sa July 10, 2020 maaari na ang mga religious activities sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagkakaroon ng religious activities sa GCQ areas, pero dapat 10 percent lamang ng kapasidad ng pasilidad ang papayagan na dumalo, habang pwede nang tumanggap ng 50 percent ng kanilang total capacity ang mga simbahan at iba pang religious venues na nasa ilalim ng Modified GCQ.

Bukod naman sa hair cut, pinayagan na rin ng IATF ang iba pang serbisyo sa mga salon at barbershop tulad ng manicure at pedicure.


Gayunman, kailangan pang maglabas ng panuntunan ang Department of Trade and Industry (DTI) na siyang nangangasiwa dito.

Maaari na ring mag-operate ang mga travel agency sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ, pero kailangan lamang panatilihin ang skeleton workforce para gawin ang mga administrative tasks tulad ng pagproseso ng refunds at pagbabayad sa mga supplier.

Maliban sa mga ito, pwede na rin ang pag-eensayo sa basketball at football.

Paliwanag ni Roque, inaprubahan ng IATF ang panuntunan na binuo ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at Department of Health (DOH) sa pagsasagawa ng health-enhancing physical activities at sports habang umiiral ang COVID-19 pandemic.

Facebook Comments