Iba pang OFWs na nakalinya sa parusang bitay, dapat sikapin ng gobyerno na mabigyan ng pardon

Pinuri ni Overseas Filipino Workers (OFW) Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang lahat na nagtulong -tulong upang mabigyan ng pardon ang tatlong convicted na OFWs sa United Arab Emirates (UAE), dalawa sa kanila ang nakalinya sa parusang bitay.

Pangunahing pinasalamatan ni Magsino ang pag-apela ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa UAE government na nagresulta sa pagkakaloob ng pardon sa ating mga kababayan.

Bunsod nito ay hiniling ni Magsino sa pamahalaan ang patuloy na pagpupursige na bantayan ang kapakanan ng mga kababayan nating nakapila sa parusang kamatayan sa mga bansang pinagtatrabahuhan nila.


Magugunitang inihain noon ni Magsino ang House Resolution 684 na nagsusulong na silipin ang kalagayan ng mga OFWs na nahatulan ng capital offenses at ang mga nasa death row.

Pinapatiyak ni Magsino na nabibigyan sila ng legal assistance lalo na kung may pag-asang mabaliktad ang mga hatol sa kanila.

Tiniyak naman ni Magsino na aktibong nakikipagtulungan ang OFW Party-list sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) para maisalba ang mga OFWs na nasa death row sa Malaysia, China, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Brunei Darussalam, Indonesia at Japan.

Facebook Comments