Hinihikayat ni Committee on Social Services Chairman at Quezon City Rep. Alfred Vargas ang iba pang mga paaralan na i-convert na rin bilang isolation centers ang kanilang mga pasilidad.
Kasunod ito ng anunsyo ng Philippine Red Cross na gagawing isolation wards ang mga campuses ng Ateneo de Manila University, De La Salle University, at University of the Philippines para sa mga asymptomatic at mild cases ng COVID-19 upang mapigilan ang pagkalat ng sakit sa mga tahanan.
Ayon kay Vargas, malaking tulong sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 cases kung sa bawat Local Government Unit (LGU) ay may itatalagang isang campus o paaralan bilang isolation center.
Binigyang diin pa ni Vargas ang pangangailangan sa dagdag na pasilidad dahil mismong ang kanyang mga constituents ay nahirapan na magpaospital dahil puno na ang kapasidad ng mga pagamutan.
Dahil kulang na kulang na sa espasyo sa mga ospital at nagbabadya pa na pumalo sa 1 million ang COVID-19 cases sa katapusan ng Abril kaya umaapela na ang kongresista sa pamahalaan at sa education sector na tugunan na agad ang problemang ito.
Dagdag pa ng mambabatas, wala na rin namang “choice” o pagpipilian ang gobyerno kundi agresibong i-convert o gawing quarantine facilities ang mga public at private establishments bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng mga naiimpeksyon.