Nagkasa ng kilos protesta ang iba’t ibang grupo mula Southern Tagalog sa labas ng tanggapan ng Department of Justice (DOJ).
Ito’y para ipanawagan sa gobyerno ang kasalukuyang sitwasyon ng karapatang pantao kasabay ng pagdiriwang ng International Human Rights Day.
Hiling nila na makipagdayalogo kay Justice Secretary Crispin Remulla para ipaabot ang nararanasang pagtapak sa karapatang pantao na nangyayari sa Southern Tagalog.
Bukod dito, nais din makaharap ng pamilya at biktima ng Bloody Sunday Massacre ang kalihim upang himukin siya na imbestigahan ang sunod-sunod na insidente ng human right violations na nagaganap sa Timog Katagalugan.
Giit ng mga grupo, respetuhin sana ng mga militar at pulis ang karapatan nila na ipahayag ang mga saloobin at punahin ang pagkakamali.
Paliwanag pa nila, marami sa mga lider ng grupo at union ang napapatay kung saan nais lamang aniya ng mga ito na ipaglaban ang karapatan ng bawat isa lalo na ang mahihirap.
Umaasa sila na mabibigyan ng kasagutan ang kaso ng Bloody Sunday Massacre na mahigit isang taon na ang nakakalipas.