Iba’t ibang isyu kaugnay sa DENR, naungkat sa budget hearing ng Senado

Sa budget hearing ng Senado ay kinastigo ni Senator Cynthia Villar ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa tatlong taong pagkaantala ng distribusyon ng composting at plastic recycling equipment.

Ayon kay Villar, 2017 pa pinondohan ang 182 composting facilities para sa mga Local Government Unit (LGU) at 25 plastic recycling equipment sa mga paaralan na nasa Manila Bay area.

Paliwanag naman ni DENR Undersecretary Benny Antiporda, nagkakaproblema sa implementasyon ng proyekto pero asahang maisasakatuparan na ito sa huling bahagi ng taong 2021.


Hinikayat naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang DENR na ipalinis ang Pasig River katulad ng ginawa sa Boracay.

Sagot naman ni Environment Secretary Roy Cimatu, prayoridad din talaga ng DENR ang Pasig River at sa katunayan ay may kasadong plano na para sa relokasyon ng informal settlers sa paligid nito.

Kinuwestyon naman ni Senator Imee Marcos ang paglobo ng hinihinging pondo ng DENR para sa reforestation o greening program na sa susunod na taon ay paglalaanan ng 5.15-billion pesos.

Ipinunto ni Marcos, na posibleng nasasayang lang ang pondo sa programa dahil tanim lang ng tanim ang DENR, tusok lang ng tusok sa lupa at mga bundok pero wala namang tumutubong puno.

Pero ayon kay DENR Forest Management Bureau Director Lourdes Wagan, umaabot na sa 1.7 bilyong mga puno ang naitanim ng DENR sa halos 2 milyong ektarya.

Facebook Comments