Drug Paraphernalia at Parte ng Baril at Bala, Nasamsam sa Dating Tokhang Responder!

Cabagan, Isabela – Matagumpay na nasamsam ng kapulisan ang drug paraphernalia at  ilang parte ng baril at bala sa tahanan ng dating tokhang reponder sa Barangay Balasig, Cabagan, Isabela.

Ito ay sa bisa ng search warrant na ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng Cabagan Police Station, CIDG Region 2 at Isabela Police Provincial Office.

Ayon kay Police Chief Inspector Romeo Pillos Jr., hepe ng Cabagan Police Station, na ang dating tokhang responder na nakapagtapos ng Community Base Rehabilitation Program o CBRP ay kinilala na si Delfino Miguel, apatnaput anim na taong gulang, may asawa at residente ng nabanggit na lugar.


Sinabi pa ni Police Chief Inspector Pillos Jr. na nasamsam sa tahanan ng suspek ang isang bala ng kalibre trenta, labing siyam na basyo ng kalibre kwarentay singko, isang steel magazine ng M16 rifle, isang aluminum foil na may crystalline substance at tatlong glass pipe.

Samantala ang search warrant ay ipinalabas ni hukom Felipe Jesus Torio ng RTC Branch 22 ng Cabagan Isabela at nakahanda nang isampa ang kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9165 o Dangerous Drugs Act laban sa suspek na si Delfino Miguel.

Facebook Comments