Sa panayam ng 98.5 iFM kay Dr. Genaro Manalo, ang City Health Officer ng LGU Santiago City, nag-iikot nitong lunes ang mga tauhan ng Market Office sa palibot ng palengke partikular sa mga vaccination site ng mapansin ang kahina-hinalang kilos ng isang babae na umano’y nagbebenta na pala ng pekeng vaccination card kaya’t agad itong ipinagbigay alam sa kinauukulan.
Ayon kay Manalo, halos walang pinagkaiba ang disenyo ng pekeng vaccination card kumpara sa orihinal na ibinibigay ng mga CHO employees at ibinebenta umano ito sa halagang dalawandaang piso (P200.00).
Giit pa ng opisyal, ginamit sa pekeng card ang ilang pangalan ng health workers na nagsilbing vaccinators na mariing itinanggi nito na mismong ang mga kawani ng City Health Office ang nagsulat ng kanilang pagkakakilanlan sa naturang vaccination card.
Nakuha naman sa suspek ang limang (5) piraso ng vaccination card na kanyang ibinebenta.
Tikom naman ang Ginang kung saan nagmula ang ibinebentang vaccination card ng makausap ito ng mga awtoridad.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng mga awtoridad ang suspek habang mahaharap ito sa kasong Falsification of Public Documents.
Paalala naman ni Manalo sa publiko na maging babala sa mga magbabalak magbenta ng vaccination card ang nangyari sa suspek.