Tuesday, March 17, 2026

ICI reports, pinapasapubliko ng Duterte bloc sa Kamara

Inihain ng Duterte bloc sa House of Representatives of the Philippines ang House Resolution No. 885 na humihiling sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ilabas sa publiko ang mga ulat kaugnay ng kanilang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Ang resolusyon ay inihain nina Harold Duterte, Omar Duterte, Paolo Duterte, at Isidro Ungab sa gitna ng unti-unting paghinto ng operasyon ng ICI matapos nitong isumite sa Office of the Ombudsman ang mga nakalap na ebidensya.

Ayon kay Harold Duterte, nananatiling hindi malinaw sa publiko ang kinahinatnan ng imbestigasyon ng komisyon.

Pinaalala rin ng mambabatas na noong September ng nakaraang taon ay itinigil ng House Committee on Public Works and Highways ang kanilang pagdinig at ipinasa ang lahat ng hawak nilang dokumento sa ICI.

Ngunit, aniya, hanggang ngayon ay wala pang naisasapublikong ulat ang komisyon dahil kailangan pa umano itong aprubahan ni Ferdinand Marcos Jr..

Dahil dito, kinuwestiyon ng Duterte bloc kung tunay bang independent ang ICI.

Pinuna rin ng grupo ang umano’y napakong pangako ng Pangulo noong December na may makukulong na malalaking personalidad na sangkot sa katiwalian.

Facebook Comments