Manila, Philippines – Tinawag na hindi makatarungan at di katanggap-tanggap ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang inanunsyo ng Employers Confederation na P25 na dagdag sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay TUCP President Raymond Mendoza, napakalayo ng P25 sa hinahabol nila na P60- P80 na pambawi man lamang sana sa nawala sa purchasing power ng mga manggagawa dulot ng sumisipang inflation rate.
Aniya, sa sandaling maging opisyal ang anunsyo, tiyak na lilikha ito ng komprontasyon sa habay ng paggawa.
Hinamon pa ng TUCP ang mga economic manager na subukang mamuhay sa P25 pesos.
Sa presyo pa lamang ng bigas at karne ng manok, wala ng mararating ang ibibigay na dagdag sahod.
Binatikos din ng grupo ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa kabiguan na hanapan ng solusyon ang survival o pangangailangan sa araw-araw ng mga manggagawa.
Sa halip na bigyan priyoridad ang kapakanan ng mga manggagawa sa mga polisiya ng gobyerno, mas pinili nila na pagbigyan na lamang ang mga mamumuhunan.
Inaantay na lamang ng TUCP ang pinal na anunsyo ng DOLE bago sila maghain ng apela.
Posible anila na magharap sila ng pinakabagong petisyon kung saan ay ibabatay na nila dito ang mga supervening events o ang mga malikot na galaw ng gasolina at LPG.